Ang Krus sa Palasyo
Ang Pilipinas ang kauna-unahang Kristiyanong bansa sa Asya na may kabuang 81 % ng mananampalataya. Kristiyanismong may malaking papel sa paghubog ng sangkatauhan, kultura at sa lipunan. Ngunit hanggang saan ba ang saklaw ng simbahan sa ating lipunan at lalong lalo na sa usaping pulitikal?
Kung babalikan natin ang pahina ng ating kasaysayan, makikita natin ang malaking pagbabago sa ating sistema ng ating paniniwala. Bago pa man dumaong ang mga kastila at iapak nila ang kanilang mga paa sa lupain ng Pilipinas ang mga sinaunang Filipino ay mayroon ng sariling sistema ng paniniwala at pananampalataya. Animismo ang tawag dito, isang sinaunang spiritual na tradisyon na kinagawian na ng mga katutubong Filipino. Ang panininiwala na ang kalikasan ay kinapapalooban ng mga espiritu na tumutugon sa kanilang mga dasal at pangangailanagan na kailangan papurihan at pasalamatan. Ngunit ang sinaunang paniniwala itong ay unti-unting naglaho sa pagdating ng mga dayuhan at ipakilala ang kanilang sariling paniniwala at tradisyon. Kasabay ng makabagong tradisyon na ito ay ang pagbabago na rin sa ating kultura at lipunang kinagisnan.
Krus at espada dalawang simbolong naglalarawan sa uri ng pananakop na ginawa ng kastila sa ating bansa sa huling bahagi ng 16 siglo. Krus, simbolo ng kanilang relihiyon na tuluyang nagpabago sa ating pagkatao na makikita natin ngayon sa ating pananaw, gawain at pilosopiya. Relihiyong masasabi nating repleksiyon na ating kultura. Sa kabilang banda ang mga kastilang ito ay hindi lamang nakatuon sa pagtanim ng binhi ng kristiyansmo kundi pati na rin sa pagpapalit sa uri ng ating lipunan at pamahalaan. Espadang kumatawan sa mataas ng uri ng kapangyarihan at puwersang pumaimbolog sa muling pag usbong ng masasabi nating panibagong uri ng sibilisasyon ng mga panahong iyon. Ang mahabang pananakop na ito ng mga kastila ay nagbigay daan sa paghubog ng panibagong Filipino na may kulturang at relihiyong kanluraning tulad ng sa kanila.
Relihiyon at Pamahalaan ang dalawang elementong sabay at magkagkatuwang na humubog sa makabagong lipunang Filipino, na hanggang sa ngayon ay sumasalamin pa rin sa ating modernong panahon. At nang matapos ang halos 333 taon ng pamamayani ng mga dayuhang ito sa ating bansa ay dumating naman ang panibagong impluwesyang dala ng mga Amerikano. Sa panahong ito matatanto natin ang magkaibang pamaraan ng kanilang pagkontrol sa bansang hinubaran na ng sariling pagkakakilanlan. Kung sa panahon ng mga kastila ay sabay na namayani ang estado at simbahan sa pagpapagalaw ng lipunan at sa panahon naman ng Amerikano ay ipinakilala nila ang magkahiwalay na tungkulin ng simbahan at ng pamahalaan.
Ang pamahalaan bilang institusyon na siyang sentro ng kapangyarihang magbibigay direksyon sa pagpapatakbo ng lipunan at ang simbahan bilang isang institusyong hmuhubog sa moral at espirituwal ng aspekto ng mga tao. Ang hiwalay na gawaing ito ng dalawang institusyon ay isang legal at pulitikal na konsepto hindi dapat panghimasukan ng bawat isa. Ito ay siyang umiral at umiiral hanggang sa ngayon sa bansang Amerika na kung saan ay pinagbatayan rin ng ating sistema, nakasaad sa ating saligang batas “Artikulo II Pahayag ng mga Simulain at Mga Patakaran ng Estado, Seksyon 6- Hindi dapat labagin ang pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado.”
Ang magkaiba at hiwalay pamamalakad na ito ng estado at simbahan ay lubos bang nakakatulong sa layuning bigyan ng disenteng uri ng lipunan ang mga Filipino o nagdudulot lamang ng sigalot sa paniniwala at pamamalakad ng dalawang maituturing na haligi ng ating sambayanan? Sa panahon ng kaguluhan ang huling takbuhan ng mga tao ay ang simbahan sa paniniwalang ang kanilang pananampalataya na lamang ang magsasalba sa kanila sa oras ng kagipitan sa pamamagitan ng panalangin. At ang panalagin ding ito ay siyang gumabay para sa matiwasay na pamamalakad sa ating gobyerno.
Sa bansang tulad ng Pilipinas na lugmok sa kahirapan at talamak ang katiwalaan ano ba ang papel na ginagampanan ng simbahan? Tungkulin ba ng simbahan ang pasukin ang magulong mundo ng pulitika sa paraang gamitin ang impluwensya nito sa mga tao sa pag-usig sa mga taong nasa sa gobyerno at ipahayag ang kanilang pananaw sa mga kaganapan o ang simbahan ay may tungkulin lamang na bigyang linaw at ipamulat sa mga tao ang mali o tama sa kasalukuyang nangyayari sa ating bansa at pagyamanin pang lalo ang aspektong ispiritwal at moral? Sa panahon ni dating pangulong Marcos na kung saan ang kanyang pamamahala ay binalot ng kamay na bakal na kumitil sa kalayaan ng bawat Filipino malaki ang naging papel ni Jaime Cardinal Sin haligi ng simbahang katoliko nang panahong iyon. Isa siya sa mga naging instrumento para maibalik ang kalayaang tinatamasa nating ngayon. Pero kung ating susuriin maaring ang naging hakbang ng dating Cardinal ay pawang personal na adhikain lamang at hindi ng buong simbahan, nagkataon lamang na siya ay may malaking impluwensya na nagbigay daan sa paglahok na simbahan sa pagpapatalsik kay Marcos sa kapangyarihan.
Sa panahon natin ngayon na ang bansa ay muling nahaharap sa suliranin ng maduming pulitika, marami ang nagtatanong nasaan ang simbahan na naging nakatuwang mga mga Filipino sa paglilinis ng maduming pamamahala?Ito ay bulag na ba sa mga nagaganap ngayon? Si Cardinal Sin ay wala na, ngunit ang kanyang naging papel sa pagbabalik ng demokrasya ay bahagi na ng kasaysayan na kailanman ay hindi na mabubura sa isipan ng mga Filipino.Ngunit ang simbahan na minsang pinamunuan ng isang Cardinal Sin ay hindi isang institusyong pulitikal na kailangang ipagpatuloy ng mga taong sumunod kanyang naging papel laban sa pamahalaan sapagkat ito ay institusyong pinamumunuan ng mga taong may malayang kaisipan at paninindigan.
Marami sa mga alagad ng simbahan lalong-lalo na ang mga pari ang lantarang tumutuligsa laban sa pamahalaang Arroyo sapagkat amoy na rin nila ang baho ng kanyang pamamalakad, hindi natin sila masisi sapagkat ang pari ay isang Filipinong bahagi ng magulong lipunan na ating ginagalawan sa kasalukuyan at may kalayaang magpahayag ng pananaw. Bagama’t ang pagpapahayag ng sariling pananaw ay isang karapatan at kalayaan na naayon sa saligang batas ito ay na iba naman sa paraan ng pag impluwensya gamit ang kanilang estado sa lipunan na wag sanang maipagpalit ng mga pari o sinumang pinuno ng simbahan ang gamit nito. Ang kalayaan sa pagpapahayag ay may kaakibat din na responsabilidad lalo na sa mga taong tinitigala at may sensitibong tungkulin sa ating pamayanan.
Mainit na pinag-uusapan ngayon ay ang naging pahayag ni Lingayen-Dagupan Archibishop Cruz ukol sa pagbabawal na bigyan ng komunyon ang mga tinagurian niyang “public sinners” bagama’T wala naman siyang pinangalan lumitaw na ang tinutukoy niyang “public sinners” at hindi pwedeng bigyan ng komunyon ay si PGMA at kanyang pamilya, saan ba ito nagmula? Sa media lamang ba o sektor na nag nanais paigtingin ang alitan sa pagitan ng Simbahan at Estado. Nawa’y wag lamang gamitin ng mga alagad ng simbahan ang mga pagtitipon upang ipahayag ang kanilang mga sentimyento laban sa pamahalaan sapagkat ang oras na iyon ay nakalaan lamang sa Diyos upang magpasalamat sa mga biyaya at gabay sa kabila ng mahirap at magulo nating buhay.
Lubos kung hinahangaan ang naging paninindigan ni Cardinal Gaudencio Rosales kasalukuyang Arsobispo ng Manila at pumalit kay yumaong Cardinal Sin, na hindi makialam at makisawsaw sa magulong pulitika ng bansa bagkus ay gampanan ang tungkulin itinalaga sa kanya ng Diyos ang pagyamanin at paunlarin ang pananampalatayang kristiyano sa bawat Filipino. Hindi bat nakakatuwang isipin bagama’t hindi lantad sa anumang istasyon ng telebisyon at radio na nakamit ng mga Sumilao Farmers ang kanilang hiniling na bahagi ng lupa mula sa pamahalaan sa tulong at patnubay ni Cardinal Rosales. Doon natin makikita ang ibang paraan ng pakikialam ng saimbahan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng serbisyo sa mga tao. Sa usaping kaunlaran kuung susuriin nating mabuti halos karamihan ng mga bansang mauunlad sa mundo ay mga bansang tunay na makikita ang hiwalay na pamamalakad ng Simbahan at Estado at ang bansang sinakop at naimpluwensyahan ng lubos ng mga kastila gamit ang relihiyon hindi naman umunlad bagkus ay sadlak pa sa kahirapan tulad ng Pilipinas.
Tayong mga Filipino ay bugbog na sa kahirapan at maruming pulitka na simula’t simula pa’y wala nag lunas na nakikita at malaki ang papel ng simbahan dito hindi sa usaping pulitikal sa gobyerno kundi ang lalo pang pag-ibayuhin at patatatagin ang pananampalataya at ispirituwal na aspekto sa buhay ng isang tao.Ang simbahan ang nating takbuhan sa mga panahong tulad na nararanasan natin ngayon. Ang simbahan ay isang institusyong may sariling sistemang pulitikal rin na umiiral na ayon sa kanilang sistema na dapat hindi rin panghimasukan nino mam at ng anumang sektor wag din sana silang magamit, paggamit at gumamit para lamang sa adhikain lalo lamang magbibigay daan sa magulong pamumuhay natin ngayon, bagkus pagsamahin nila ang kanilang puwersa at kakayahan upang iahon tayong mga Filipinong nawalan na na karapatang mabuhay ng disente at may kasaganahan.

No comments:
Post a Comment