Sunday, 27 April 2008

Ginto sa Buhangin


Halos hindi mabilang ang mga Pilipinong lumalabas ng bansa kada taon upang hanapin ang magandang kapalaran na magpapabago sa kanilang buhay. Mga Pilipinong naniniwala na may mas magandang bukas ang sa kanila’y naghihintay sa ibayong dagat.

Tulad ko, lahat tayo rito mga mangagawang Pilipino sa Gitnang-Silangan, sa gitna ng disyerto o saan nman panig ng mundo ay may iba’t ibang kwento ng pakikipagsapalaran, ngunit iisa lamang ang dahilan, ang hanapin ang ginto sa buhangin. Ginto na sa paniniwala natin sagot sa ating mga pangangailangan, adhikain at mga pangarap.

“Gusto kong bigyan ng magandang buhay ang aking pamilya, mahirap ang buhay sa Pinas, o kaya’y gusto kong bigyang katuparan ang aking mga pangarap”. Mga pareho-parehong sagot sa mga tanong kung bakit handang magtiis ang isang Pilipinong lumayo sa bansang sinilangan, mapalayo sa kanyang pamilya at mga kaibigan at subukan ang tibay ng loob, katatagan at suwerte na rin sa lipunang malayong-malayo sa kulturang kinamulatan.

Marahil ang mga kabataan ngayon na naghahasa ng kaalaman at nagpapakadalubhasa sa kanilang mga napiling larangan ay lubos na inihahanda ang kanilang mga sarili upang higit pang palawakin ang kaalaman at kasanayan hindi para sa bayang naghubog sa kanila, bagkus sa banyagang lipunan dala ang paniniwalang ito ang magbibigay sa kanila ng mas maginhawang pamumuhay.

Hindi masama ang mangarap, ang paliparin ng matayog ang ating kamalayan sa paniniwalang tayo ay maykakayahang dapat patunayan, ang kailanagan lamang ay maging handa tayo sa ating pakikipagsapalaran.

Lungkot at pangungulila ang mga pangunahing elementong sumusubok sa katatagan ng isang Pilipinong Manggagawa sa ibang bansa…..lungkot at pangungulila dala ng pag-iisa, ngunit ang kalungkutan at pangungulilang ito ay naiibsan sa tuwing naiisip natin ang pangunahing dahilan ng paglayo ……ang hanapin ang kinang ng gintong nakatago.

Sa bawat pakikipagsapalaran ay may mapait at mabuting pangyayari tayong nararanasan. Marami sa atin ay hindi ginto ang natagpuan, bagkus ay tanso, masasabi mo bang ikaw ay bigo o biktima lamang ng hindi magandang kapalaran na sa iyo ay tumamo.

Sa bawat panahon na ito ng pagsubok na ating kinakaharap napakahalaga ng pising nag-uugnay sa atin sa at sa ating mga mahal sa buhay. Malayo man malapit din ika nga. Ngunit nakakatuwang isipin na sa ating pagharap sa mga pagsubok na ito at sa pag-iisa ay may mga tao tayong nakikilala at nagiging kaagay sa pagharap sa mga pagsubok na ito sa ating buhay hindi ba’t silay ginto rin na ang hatid ay inspirasyon at panibagong lakas ng loob upang tumayo at muling buuin ang pangarap na minsa’y naglaho at sabihing, “hindi ka nag-iisa, kaibigan”.

Hindi lahat ng ginto na ating binubungkal o bubungkalin dito sa disyerto o san ka man naroroon ay may kinang na sumisimbolo ng yamang materyal na lubos nating hinahangad. Ang gintong ito ay maaring ang mga pagsubok, kalungkutan, kaligayahan at tagumpay kasama na ang mga taong naging bahagi nito na ating natamo.

Ikaw, nahukay mo na ba ang ginto o patuloy mo pa ring binubungkal ang buhangin at hinahanap ang pinamumulan ng kinang nito?

No comments: